KORONADAL CITY – Nananawagan ngayon ang Tacurong City local government unit sa mga landlords sa siyudad na huwag sana nilang paalisin sa kanilang mga nirerentahang boarding house ang mga medical personnel na nangunguna sa paglaban sa coronavirus disease.

Ito ang inihayag ni City Information Officer Allan Freno matapos ipinaabot sa kanila ng ospital na pinagtatrabahuan ng mga ito na pinapalayas na umano ng mga nagmamay-ari ng boarding house ang mga nurse sa ospital sa pangambang baka madapuan sila ng naturang sakit.

Ayon kay Freno, hindi dapat ipinaiiral ngayong panahon ang diskriminasyon at sa halip mangibabaw ang konsiderasyon sa bawat isa.

Siniguro naman nitong inaayos na ng city government ang titirhan ng mga pinalayas na mga nurse ng ospital upang mayroon silang matirahan.

Sa huli, nananawagan ito ng buong partisipasyon ng buong mamamayan ng Tacurong City lalo na’t isinailalim sila sa enhanced community quarantine.