Nabuhayan ng pag- asa si Presidential Spokesman Harry Roque para sa Universal Health Care Act kasunod ng suspension order ng Office of the Ombudsman sa mga opisyales ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isinasangkot sa katiwalian.
Sinabi ni Sec. Roque, siya’y nagagalak sa pinakabagong development kaugnay uamno’y anomalya sa PhilHealth at nagkaroon na ng linaw ang kinabukasan ng Universal Health Care.
Ayon kay Sec. Roque, ang mahalaga ay may ipinataw na preventive suspension kung saan nagbibigay ito ng tiwala at katiyakan sa taumbayang naririyan ang gobyerno para umalalay sa panahon ng kanilang pagkakasakit lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
Nanindigan si Sec. Roque na hangga’t hindi nalilinis ang hanay ng PhilHealth ay hindi magtatagumpay ang tinatarget na mabigyan ng libreng pagamot at libreng gamot sa lahat.
“Well, nagagalak naman po kami kasi, unang-una, kaya naman tayo nagsampa ng mga kaso diyan eh para pangalagaan po iyong Universal Healthcare na ating isinulong noong 17th Congress. At dati ko na pong sinasabi na hanggang hindi po malinis ang hanay ng PhilHealth eh baka hindi po magtagumpay iyong ninanais nating magkaroon ng libreng pagamot at libreng gamot sa lahat. So, ngayon pong nagkaroon na ng kauna-unahang preventive suspension order galing sa Ombudsman, lumilinaw na po ang kinabukasan ng ating Universal Healthcare. Sa panahon ng pandemya importante po ito dahil nagbibigay po ng pag-asa at saka tiwala sa taumbayan na sagot po ng ating gobyerno ang kanilang pagkakasakit,” ani Sec. Roque.