Inilarawan ng mga imbestigador ang suspek sa pamamaril sa mga bata sa Minneapolis habang nagdadasal sa Annunciation catholic church na obsessed umano sa ideya ng pagpatay sa mga bata.
Ayon kay Minneapolis Police Chief Brian O’Hara, napatay ng suspek na si Robin Westman, 23 anyos, ang dalawang bata habang 18 ang nasugatan, subalit tila wala aniyang partikular na motibo ang shooter sa krimen.
Kundi tila lumalabas na ang suspek ay galit sa lahat at higit dito, ay nais aniya ng shooter na patayin ang mga bata.
Kinumpirma naman ng kanilang pamilya ang pagkakakilanlan ng mga biktima na sina Fletcher Merkel, 8 anyos at Harper Moyski, 10 anyos.
Base sa inilabas na detalye ng mga opisyal kaugnay sa background ng suspek, dating dumadalo si Westman sa church’s school at nagtrabaho din doon ang kaniyang ina.
Sa isang news conference, sinabi ni US Attorney General for Minnesota Joseph Thompson na nagpahayag ng galit ang suspek sa maraming mga grupo kabilang na sa Jewish community at kay US President Donald Trump.
Ito ang nakasaad sa iniwang notes ng suspek na nasawi din matapos magbaril sa sarili.
Ayon kay Federal Bureau of Investigation Director Kash Patel, nag-iwan ang suspek ng maraming anti-Catholic at anti-religious references na nakasulat karamihan sa Russian cyrillic alphabet sa mga baril at notes na nadiskubre ng mga imbestigador. Inilarawan din niya ang naturang pag-atake bilang isang gawain ng domestic terrorism dulot ng pagkamuhi.