Nananawagan si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes sa pamahalaan na agarang ibalik sa mga senior citizen ang mga pondong nawala umano dahil sa talamak na korapsyon na nagaganap sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Mariing iginigiit ni mambabatas na ang mga nakatatanda ay matagal nang nagdurusa at biktima ng katiwalian sa sistema, kaya’t nararapat lamang na magkaroon ng isang batas na magtatakda ng universal social pension upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang paghihirap sa pang-araw-araw.
Binigyang-diin ng kongresista na ang hinihingi nilang dagdag na benepisyo para sa mga senior citizen ay napakaliit na halaga lamang kung ikukumpara sa trilyong pisong nawawala at napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal dahil sa korapsyon.
Kabilang sa mga dagdag benepisyong ito ang buwanang ₱2,000 pension, mas malawak at malaking purchase discounts sa mga pangunahing bilihin at gamot, at ang pagtanggal sa mga pabigat at nakakalitong requirements tulad ng booklet para sa mga PWD o persons with special needs na nagiging hadlang sa pagtanggap ng kanilang mga benepisyo.
Bukod pa rito, hiniling din ni Ordanes sa Department of Health (DOH) na tuluyan nang alisin ang ipinatutupad na 30-day purchase limit sa mga gamot na binibili ng mga senior citizen, at gawing libre na rin ang kanilang sakay sa LRT, MRT, at PNR bilang kabayaran o kapalit sa mga buwis na binayaran nila sa loob ng maraming taon noong sila ay nagtatrabaho pa.
Dagdag pa niya, hindi maaaring idahilan ng pamahalaan na kulang ang budget o pondo para sa pagpapatupad ng dagdag pensyon para sa mga senior citizen dahil aniya, lantad at kitang-kita naman kung saan napupunta ang mga ninakaw na pondo ng bayan.
Sa halip na magdahilan, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang paglutas sa problema ng korapsyon.










