BUTUAN CITY – Hindi na ipapagamit pa ng Municipal Engineer’s Office (MEO) sa Hinatuan, Surigao del Sur, ang Doppler Radar Station ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration).
Ito’y dahil sa dami ng mga crack sa dingding nito na dulot ng malakas na lindol kahit pa sa bayan ng San Agustin ng nasabing lalawigan ang epicenter ng magnitude 6 na lindol na yumanig nitong Lunes ng umaga.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni chief meteorological officer Allan Rebo na matapos ang lindol ay hindi muna sila pumasok sa trabaho sa loob ng 8-palapag nilang gusali.
Umabot kasi ang bitak mula ground floor hanggang sa 7th floor.
Sa ginawang assessment ng MEO, delikado na umanong okupahan ang gusali dahil siguradong bibigay ito sakaling yayanig ang malakas na aftershock.
Sa ngayo’y may panahong papasok sila sa loob ngunit ito’y puno ng pag-iingat.