(Update) GENERAL SANTOS CITY – Tila makakamit na ng mga biktima ng Kabus Padatuon (KAPA) ang hustisya matapos maaresto sa joint operation ng pulisya ang founder na si Joel Apolinario sa Hamdayaman, Lingig, Surigao del Sur, kaninang umaga.
Ayon kay P/Major Rennel Serrano, spokesperson ng Surigao Provincial Police Office, nahuli si Apolinario kasama ang 23 private army nito at nakuha ang ilang matataas na uri ng armas.
Kabilang dito ang tatlong 60 caliber machine gun, dalawang RPG rifle, isang caliber 50 sniper rifle, 30 unit ng M16 rifle, dalawang unit ng M4, Garand rifle, carbine, shotgun, limang caliber 45 pistol at mga live ammunitons ng iba’t ibang kalibre ng baril.
Nabatid na bandang alas-7:30 ng umaga nang isisilbi lang sana ng joint elements ang search warrant ni Hon Judge Cayalina Shineta M Tare-Palacio kaugnay sa sinasabing paghawak ni Apolinario ng maraming baril at sabay na ring isisilbi ang warrant of arrest nito para sa kasong sydicated estafa mula naman kay Hon. Judge Gil Bollzos ng Regional Trial Court Branch 21 sa Cagayan de Oro.
Gayunman, kuwento ni Serrano ay pinaputukan nina Apolinario ang mga otoridad na nagresulta sa pagkamatay ng isang hindi pa kilalang lalaki at pagkasugat ng isa pa na nasa pagamutan.
Samantala, agad dadalhin sa korte sina Apolinario habang nagpatawag na ng press conference ang mga otoridad matapos ang matagumpay na pagkakadakip sa KAPA founder.