Lalo lamang umanong pinahina ng Supplemental Affidavit ng testigong si Ramil Madriaga ang kaniyang kredibilidad sa halip na pagtibayin ang kaso, ayon sa legal counsel ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr.
Inilabas ng abogado ang naturang statement kasunod ng pagtestigo ni Madriaga sa impeachment hearing laban sa Bise Presidente nitong Martes, Abril 14.
Ayon kay Atty. Panelo, napatunayan umano ang kanilang naunang pagsusuri na si Madriaga ang magiging “weakest link” o pinakamahinang bahagi ng kaso.
Aniya, nabigo si Madriaga na tugunan ang malinaw at matibay na ebidensyang iniharap ng Bise Presidente sa kasong perjury.
Dagdag pa niya, ang mga ebidensyang inilahad umano ni Madriaga ay walang kaugnayan at hindi mahalaga sa kaso, kabilang na ang mga isyung nauna nang pinabulaanan.
Ipinunto rin ng abogado na ang mga alegasyon ni Madriaga hinggil sa umano’y paghahatid ng pera at mga utos sa pamamagitan ng prepaid na telepono ay hindi na maberipika.
Kinuwestyon din ng kampo ng Bise Presidente kung bakit umano ipagkakatiwala nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara ang sensitibong usapin ng seguridad at intelligence sa isang sibilyan na wala sa hanay ng militar o pulisya.
Tinukoy rin si Madriaga bilang umano’y lider ng “Madriaga Kidnapping for Ransom Group,” na inilarawan ng Philippine National Police bilang isa sa mga pinaka-mapanganib na sindikato sa mga nakaraang taon.
Sa huli, iginiit ng kampo na makikita umano ng nakararaming Pilipino ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon, at handa silang muling pabulaanan ang mga ito.
















