-- Advertisements --

Bunsod ng ulat na nasa 25 araw na lamang ang itatagal ng suplay ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa bansa, mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa bentahan nito sa merkado.

Katuwang ng kapulisan sa hakbang na ito ang Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na walang negosyanteng mananamantala sa nakaambang krisis.

Una rito, kinumpirma mismo ni Energy Secretary Sharon Garin na nakararanas na ng kakapusan sa suplay ng naturang produkto ang Pilipinas.

Bilang tugon sa sitwasyon, ipinahayag ni PNP Spokesperson, Police Brigadier General Randulf Tuaño na nagbaba ng malinaw na direktiba si PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr.

Inatasan ng hepe ang pambansang pulisya na buong-pwersang suportahan ang mga kinauukulang ahensya sa pagtutok sa presyuhan ng mga pangunahing bilihin, partikular na ang mga produktong petrolyo.

Upang masiguro ang kaayusan at sumunod sa panuntunan ang mga tindahan, nagtalaga ang PNP ng mga personnel na magsisilbing Market Watchdog.

Tungkulin ng mga itinalagang tauhan na mangalap ng tumpak na impormasyon sa ground level ukol sa takbo ng bentahan at presyo ng LPG.

Ang mga malilikom na datos at ulat mula sa mga pamilihan ay direktang ipapasa sa DTI at DOE, bago pormal na isumite sa opisina ng Pangulo para sa kaukulang aksyon ng ehekutibo.