DAVAO CITY – Isinailalim na ang Municipal Government ng Santo Tomas, Davao del Norte, sa state of calamity.
Ito’y matapos maranasan ang sunod-sunod na mga pagbaha sa lugar dulot ng localized thunderstorms.
Dahil dito, maaari nang magamit ng lokal na pamahalaan ang kanilang quick response fund para sa disaster relief at rehabilitation efforts.
Ayon kay Municipal Information Officer Mart Sambalud, una nang inihain ng Sangguniang Bayan ng Santo Tomas ang resolusyon na nagdedeklara sa buong munisipalidad sa state of calamity base na rin sa rekomendasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction Council.
Inihayag ni Sambalud na sa ilalim ng Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ay siyang magrerekomenda sa Sangguniang Bayan na ideklara ang state of calamity base sa criteria.
Kinilala nila ang deklarasyon ng state of calamity bilang crucial para sa local government dahil magagamit na ang calamity funds, gayundin ang pagpapatupad ng price freeze sa basic commodities, at magsagawa ng rehabilitation efforts.
Ilan sa mga naitalang pinsala na lugar ay ang ilang ari-arian na dulot ng sunod-sunod na mga pag-ulan partikular na sa mga agricultural crops at livestock na nasa P15.9 million, at P1.65 million na halaga ng pinsala sa mga ektaryang lupain.
Dahil sa mga pag-ulan, nasa P3,065,820 halaga rin ang pinsala sa imprastraktura at mga kalsada.
Sinasabing ang kabuang halaga sa rehabilitasyon at pagkumpuni sa mga pinsala ay pumalo sa P25,946,705.