Sa harap ng tuloy-tuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakalipas na buwan, nakikita ng ilang mga kongresista na dapat nang ideklara ng Malacanang ang state of economic emergency.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng mga miyembro ng House Fuel Crisis Ad Hoc Committee na kasunod na isasama nila sa kanilang magiging report ang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng special session sa Marso 15.
Ito ay para maaprubahan na rin ang mga panukalang batas na magbabawas sa excise tax ng langis at ang proposed Comprehensive Fuel Crisis Act.
Ayon kay House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, “moral obligation” na ni Pangulong Duterte ang magpatawag ng special session gayong 75 araw nang pasan-pasan ng publiko ang epekto nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni House Economic Affairs chairman Sharon Garin na dapat kumilos sa lalong madaling panahon ang pamahalaan sa pagtulong sa publiko.
kabilang sa mga maaring pinakamabilis na gagawin ng pamahalaan ay ang agarang pamamahagi ng ilalabas na P2.5 billion na nakalaan para sa fuel subsidy at P500 million naman para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa oras na matuloy naman ang hiling nilang special session, sinabi ni Garin na isasama na rin sa tatalakayin ang pahingil sa oil deregulation.
Nabatid mula kay Department of Energy Undersecretary Gerardo Erguiza na hindi naman problema ng Pilipinas ang supply ng langis sapagkat sasapat pa naman ang imbentaryo sa ngayon ng mga oil companies ng lagpas sa 40 araw.
Kapag puamlo sa $120 ang presyo ng kada bariles ng langis sa Dubai, sinabi ni Erguiza na ang kada litro ng gas ay maaring pumalo ng hanggang P78.33 at 68.97 naman sa kada litro ng diesel, habang ang LPG ay posibleng aabot ng P107 ang kada kilo.
Pero ngayon pa lamang na hindi pa umaabot sa ganito ang presyuhan, umaaray na ang iba’t ibang transport groups.
Kaya para kay Roberto Martin ng Pasang Masda, kung maari ay payagan ang hiling nila na P1 fare increase dahil mula noong 2018 ay hindi rin naman aniya nagkaroon nang umento sa pamasahe sa kabila nang makailang ulit nang oil price hikes
Bukas nakatakdang desisyunan ng LTFRB pati na rin ng iba pang ahensya at kagawaran ng pamahalaan ang hirit na taas sa pamasahe, ayon kay chairman martin Delgra.