Sinira ng San Antonio Spurs ang huling laro ni Dirk Nowitzki sa kanyang career matapos ang 105-94 pagdispatsa nila sa Dallas Mavericks.

Naglista ng impresibong 34 points at 16 rebounds si LaMarcus Aldridge upang mamayani sa Spurs, na nasungkit ang ikapitong puwesto sa Western Conference playoffs.

Bunsod nito, makakatunggali ng San Antonio ang second-seeded Denver Nuggets sa opening round.

Sa kabilang dako, nagtapos namang may 20 points at 10 rebounds si Nowitzki sa pagtatapos ng kanyang 21-season career na iginugol lamang nito sa Dallas.

Maalalang inanunsyo ng 40-year-old German great ang kanyang pagreretiro sa sport kasunod ng huling home game ng Mavs ngayong season.

-- Advertisement --

Bagama’t wala sa homecourt, mistulang hindi ito naramdaman ni Nowitzki dahil sa hiyawan at suportang ipinakita ng mga Spurs fans sa kanya.

“It was fantastic again tonight,” wika ni Nowitzki. “Felt almost like a home game, honestly.”