jolo

Hindi umano katanggap-tanggap at nakakagalit ang inilabas na spot report ng Sulu PNP hinggil sa pagkakapatay sa dalawang army officers at dalawang enlisted personnel ng mga pulis sa Jolo,Sulu.

Tinawag ni Philippine Army commanding general, Lt Gen. Gilbert Gapay na “fabricated” ang report at “full of inconsistencies at very misleading.”

Naniniwala si Gapay na pinatay ang kaniyang mga tauhan at hindi misencounter ang nangyari.

Wala raw armas ang mga sundalo nang pagbabarilin ng lima sa siyam na mga pulis at saka tumakas.

jolo1

“We find the report fabricated, full of inconsistences parang sine and very misleading, it happens, we could accept it because this is a part of our job, we get killed in performing our job, we get killed in performing our job but getting unnecessarily killed in the hands of your partners its different, its something that that can be prevented,” pahayag pa ni Gen. Gapay.

Aniya, walang sagupaan na nangyari at hindi nagpaputok ang mga sundalo.

Hindi naman napigilan ni Gapay ang kaniyang galit at inaming masama ang kaniyang loob hinggil sa insidente.

Aniya, gagawin nila ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng apat na sundalo

Sinabi pa ni Gapay, nawalan siya ng apat na magagaling at beteranong army intelligence officer.

Samantala, nagbigay na rin ng kanilang testimonya ang mga testigo.

jolo2

Binigyang-diin pa ni Gapay na batid ng mga sundalo na parte sa kanila na sila ay mamamatay dahil sa kanilang trabaho pero kapag pinatay daw ng walang katuturan, ibang usapan aniya ito na sana ay maaaring maiwasan.

Nakakuha na rin ng kopya ang militar ng CCTV footage sa lugar.

Makikita raw na nakasibilyan ang apat na sundalo dahil sa may minamanmanan ang mga ito na terorista.

Kinumpirma rin ni Gapay na may sinusundang dalawang suicide bombers ang mga ito at kanila ng natukoy ang location at kanila na lamang tinutumbok ang eksaktong lugar.

Dahil sa insidente, mataas ang tensiyon ngayon sa Jolo kung saan nais sana maghiganti ng mga sundalo pero pinakalma na ang mga ito ng mga military commanders.

Siyam na pulis ang tinukoy na responsable sa pamamaril sa apat na sundalo.