Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na patuloy na igigiit ng Philippine delegation sa 2024 World Economic Forum (WEF) ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pulong noong nakaraang taon na bukas ang Pilipinas para sa negosyo at ito ang pinakama akmang lugar sa rehiyon para maglagak ng puhunan.
Sinabi ni Speaker kanila itong binigyang-diin sa isinagawang welcome lunch para sa Philippine delegation na ginanap sa Hotel Belvedere sa Davos.
Sina WEF head of Business Engagement for the Asia-Pacific Clara Chung, WTO Permanent Representative Ambassador Manuel A.J. Teehankee, Philippine Ambassador to the Swiss Confederation and Principality of Liechtenstein Bernard Faustino Dy, at iba pang affiliate ang sumaubong sa delegasyon ng Pilipinas.
Tinuran ni Speaker Romualdez ang matatag na economic fundamentals ng Pilipinas na nasa rehiyong may pinakamabilis na pag-unlad sa buong mundo.
Ayon sa 2024 Chief Economist Outlook ng WEF, inaasahan ng mayorya sa mga nangungunang ekonomista sa buong mundo na hihina ang pandaigdigang ekonomiya sa loob ng isang taon ngunit mananatiling matatag naman ang ekonomiya sa Timog at Silangang Asya.
Tinukoy pa ni Speaker Romualdez ang matatag na gobyerno ng Pilipinas na pinamumunuan ng isang malakas at popular na lider na si Pangulong Marcos Jr na patuloy na isinusulong ang inklusibo, matatag at pang matagalang pag-unlad sa nalalabing apat na taon sa termino.
Ibinida rin ni Speaker Romualdez ang mga hakbang ng Pilipinas para mas maging investor friendly kagaya na lang ng pagpapaluwag sa restrictive o mahigpit na mga probisyon ng 1987 Constitution.
Aniya, ang Senado na dati ay may alinlangan sa pag-amyenda sa Konstitusyon ay sinimulan na ang proseso ng pagsusulong sa pagbabago sa economic provision ng Saligang Batas.
Inihayag din ni Speaker Romualdez ang pagkakaroon ng Pilipinas ng paraan para makakuha ng pamumuhunan sa pamamagitan ng sarili nitong sovereign wealth fund na Maharlika Investment Fund.
Pagsusumikapan aniya ng delegasyon na panatilihing nag-aalab ang apoy at sisiguruhin na ang mensahe ng Pangulong Marcos ay magpapatuloy at mararamdaman aniya ang presensya ng Pilipinas sa Davos bago muling bumalik ang Pangulo doon para sa susunod na pulong ng WEF sa susunod na taon.
















