Naniniwala si House Speaker Martin Romualdez na malaki umano ang maitutulong ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapabuti ang kalagayan ng bansa.
Ito ang pahayag ni Romualdez matapos itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos si Recto bilang bagong kalihim ng Department of Finance (DOF).
Binati ni Speaker si Recto sa kaniyang appointment na maitututing na isang well deserved promotion.
Bukod sa kanyang mga ambag sa paggawa ng batas, sinabi ni Speaker Romualdez na naging Socioeconomic Planning Secretary at Director-General ng National Economic Development Authority rin si Recto na isang patunay ng malaking kakayanan nito sa paglikha ng mga estratehiya para magpatuloy ang pag-unlad ng bansa.
Patunay rin umano sa mataas na lebel ng kakayanang mamuno at dedikasyon sa serbisyo publiko ni Recto ang pagkakatalaga rito bilang Deputy Speakers ng 19th Congress.
Dagdag pa ni Romualdez na sa pag-iisip sa hinaharap na may marka ng katatagan ng ekonomiya at kaunlaran, ang paghirang kay Recto ay sumasalamin sa kalibre ng pamumuno na kinakailangan.
Kumpiyansa si Romualdez na sa karanasan at pananaw ni Recto ay makatutulong ito nang malaki sa pagsasakatuparan sa layuning para sa isang mas masiglang ekonomiya ng Pilipinas.
















