-- Advertisements --

Nanawagan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para sa agarang pagpapa-uwi sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israeli forces at Palestinian militant group na Hamas.

Kasabay nito ay sinabi ni Speaker Romualdez na magbibigay din ito ng P500,000 personal na tulong sa pamilya ng ikatlong Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan.

Una ng sinabi ni Romualdez na siya katuwang si Tingog PartyList Rep. Yedda Marie Romualdez ay magbibigay ng tig-P500,00 sa pamilya ng dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan sa Israel.

Nagpahayag ng pag-aalala si Speaker Romualdez sa kaligtasan ng mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan kaya nanawagan ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na agad iproseso ang pagpapa-uwi sa mga OFW na nasa Israel at Gaza strip na hawak ng Hamas.

Ayon sa lider ng Kamara na mayroong mga Pilipino na nagpahayag ng kanilang nais na makauwi sa bansa, isang indikasyon umano ng kung ano ang sitwasyon sa nagaganap na Israel at Gaza.

Batay sa datos mula sa DFA, sa 131 Pilipino sa Gaza, 92 indibidwal ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi sa Pilipinas. Sa Israel naman, hindi bababa sa 22 Pilipino ang pormal na nag-request na sila ay iuwi sa bansa.

Ayon kay Speaker Romualdez ang mga mercy flight ay hindi naman kailangang lumapag sa Israel dahil maaari itong gawin sa Egypt o Jordan para matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.

Bukod sa tulong pinansyal, nangako rin si Speaker Romualdez na maghahanap ng paraan upang madagdagan ang kinikita ng pamilya ng mga nasawi at susuportahan ang pagbangon ng mga ito mula sa trahedya.