-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magtutuloy-tuloy ang programang P20 kada kilo na bigas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na inilunsad sa Visayas, dahil sa inaasahang pagtaas ng ani ng palay bunga ng mas pinaigting na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura.

Ito ang inihayag ng pinuno ng Kamara sa isang panayam kasabay na rin ng inagurasyon ng Castañas Centro Communal Irrigation System sa Barangay Castañas, Sariaya, Quezon noong Miyerkoles.

Sinabi ni Speaker Romualdez na malaki ang maitutulong ng mga solar-powered pump irrigation projects (SPIPs) upang mapanatili ang programang P20 kada kilo bigas dahil mababawasan nito ang gastos ng mga magsasaka at mapararami ang kanilang ani.

Sinasaklaw ng proyektong solar irrigation sa Sariaya ang 50 ektarya at nakikinabang dito ang 33 pamilyang magsasaka, na ngayon ay may sapat at tuloy-tuloy na supply ng tubig at hindi na kailangang umasa sa mamahaling diesel pumps.

Dahil sa solar irrigation system na ginawa ng National Irrigation Administration (NIA), nakakatipid na ang mga magsasaka sa Sariaya ng tinatayang ₱80,000 kada cropping season.

Binigyang-diin ni Romualdez na sa mga lugar na may solar irrigation mula sa NIA, tumaas ang ani ng mga magsasaka dahil nagkakaroon sila ng pagkakataong makapagtanim ng dalawang beses sa isang taon, kumpara sa dating isang beses lang.