Binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan na maabot ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang target nitong makolektang buwis upang magkaroon ng pondo ang gobyerno na gagamitin sa mga proyekto at programa nito.
Nakakolekta ang BIR ng P2.516 trilyon noong 2023. Kahit na tumaas ng 17 porsyento ang kabuuang nakolekta ng BIR na nagkakahalaga ng P2.94 trilyon ay bahagya pa rin itong mas mababa sa target na makolekta.
Sinabi ni Speaker Romualdez na malaking bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa gagawing paggastos ng gobyerno.
Kung mabilis umanong makakakolekta ang BIR ay mabilis ding mapopondohan ang mga programa at proyekto ng gobyerno.
Ayon kay Romualdez lumaki ng 1.7 percent ang final expenditure ng gobyerno noong first quarter.
Kaya umaasa ito na mas marami pang makolekta ang BIR sa second quarter para makahabol din ang government spending.
Giit ni Romualdez na Kailangang pondohan ang parehong naka-program na paggasta at ang halos lahat ng hindi naka-program na paglalaan hangga’t maaari upang matugunan ang ating mga target sa paglago ngayong taon.
Aniya, ang buwis o tax ang buhay ng gobyerno, at ang sigla ng paglago ng ekonomiya ngayong taon ay nakasalalay sa collection ng BIR.