Inihayag ng Bureau of Internal Revenue na sila’y magsasagawa pa rin ng mga pagsusuri ukol sa donasyon sa eleksyon ng isang kontratista kay Sen. Chiz Escudero.
Ito’y sa kabila nang maresolba na ang isyu sa pagtanggap niya ng donasyon na siyang idineklara naman ng senador sa kanyang SOCE o Statement of Contributions and Expenditures.
Ayon kay Internal Revenue Comm. Charlito Martin Mendoza, nais nilang mabigyan linaw na walang nilabag sa ‘tax declarations’ ang donor nito noong eleksyon 2022.
Posible kasing hindi pa rin lusot sa pananagutan si Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc. matapos siyang magbahagi ng 30-milyon piso kay Sen. Chiz Escudero.
Kung kaya’t ibinahagi ni Comm. Mendoza na kanilang susuriin pa rin ito lalo na partikular sa kung nagtutugma ba ang ‘tax returns’ niya sa asset na mayroon ang kontratista.
Nilinaw naman ng kawanihan na walang buwis ang donasyon sa eleksyon o tinatawag na ‘donors tax’ basta’t ang pera’y ginamit ng ‘political candidate’ sa kanyang pagtakbo sa anumang posisyon.
Kung kaya’t walang donor’s tax na kokolektahin o hahabulin pa ang Bureau of Internal Revenue sa kontratistang nagbahagi ng donasyon.
Habang kaugnay sa usapin flood control, ayon sa kawanihan, patuloy pa rin anila itong tutukan maimbestigahan.
Binigyang diin ni Comm. Charlito Martin Mendoza na ang lahat ng sinasabing sangkot, kasama pati mga pangalan lumulutang sa dawit sa isyu ay hindi ipinagsasawalang bahala.














