Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na siya pa rin ang dapat mamuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, alinsunod sa umiiral na Senate Rules of Procedure on Impeachment Trials.
Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na malinaw sa alituntunin ng Senado na ang Senate President ang magsisilbing presiding officer sa lahat ng impeachment trial, maliban kung ang nililitis ay ang Pangulo ng bansa.
Gayunpaman, kinilala niyang may probisyon sa binagong impeachment rules na nagpapahintulot sa mga senator-judges na bumoto kung nais nilang magtalaga ng ibang presiding officer.
Ayon kay Gatchalian, kung iyon ang magiging pasya ng nakararami, handa siyang sundin ang desisyon ng Senado.
Tiniyak din ng Senate President na nakahanda na ang Senado para sa pagsisimula ng impeachment trial sa Lunes. Aniya, kumpleto na ang security preparations, kabilang ang contingency plans gaya ng backup power supply upang matiyak na hindi maaantala ang pagdinig.
Inaasahan din niyang dadalo ang lahat ng senador sa pagbubukas ng paglilitis, kabilang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Gayunpaman, sinabi ni Gatchalian na posibleng hindi makadalo nang personal ang ilang senador na may kinakaharap na kaso.
Samantala, tumanggi muna siyang magkomento kung dapat bang baguhin ang bilang ng kinakailangang boto para sa pag-hatol, at sinabing hindi pa ito kabilang sa mga tatalakayin sa unang araw ng impeachment trial.
















