-- Advertisements --

Mariing kinondena ng ilang senador ang isang AI-generated video na inilabas ng isang China-based media outlet na naglalarawan umano sa mga Pilipino bilang mga unggoy kaugnay ng usapin sa 2016 Arbitral Award sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, walang puwang ang racism at pang-aalipusta sa dignidad ng tao, kahit pa may hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa.

Hinikayat din niya ang lahat ng media at mga institusyon na maging responsable at isulong ang maayos at magalang na pagbabalita.

Sinabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na malinaw na racist at nakaiinsulto ang naturang video.

Nanawagan siya sa pamahalaan ng China na ipatanggal ang video, humingi ng paumanhin, at papanagutin ang mga responsable sa paglikha at pagpapalabas nito.

“We call upon the government of the People’s Republic of China to immediately order ‘China Daily’ to remove the video in question, issue a clear and public apology, and hold accountable those responsible for its creation and release,” ani Pangilinan.

Samantala, iginiit ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na hindi dapat humantong sa racism at pamamahiya ang hindi pagkakaunawaan sa usapin ng WPS.

Aniya, patuloy na ipagtatanggol ng Pilipinas ang karapatan nito sa pamamagitan ng batas, katotohanan, at diplomasya.