VIGAN CITY – Malaki ang paniniwala ng isang mambabatas na magiging syndicated criminal organization ang Philippine National Police (PNP) kung hindi kaagad na mareresolba ang iba’t ibang mga isyu na kinasasangkutan ng ilang PNP officials kagaya na lamang ng mga isyu na may koneksyon sa iligal na droga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na kung hindi umano makikipagtulungan si PNP chief Gen. Oscar Albayalde sa imbestigasyon sa mga tinaguriang ninja cops, mahihirapan umano ang pamahalaan na linisin ang PNP mula sa nga tiwaling personnel at iba pa.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa pagkakadawit ng pangalan ni Albayalde sa mga isiniwalat ni dating CIDG chief at ngayon Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Senate hearing.
Kaugnay pa nito, hinimok ni Atienza ang PNP chief na kung makikipagmatigasan ito hinggil sa mga alegasyon laban sa kaniya, mas mabuti na lamang umano na magresign ito sa puwesto.
Ngunit kung sasabihin umano nito ang kaniyang mga nalalaman ay malaki umano ang maitutulong nito sa nasabing ahensya.
Una rito, maging ang chairman ng komite sa Senado na nangunguna sa pag-imbestiga sa ninja cops issue na si Sen. Richard Gordon ay nanawagan din kay Albayalde na magbitiw na lamang sa tungkulin.
Para naman sa PNP chief hindi siya magre-resign at ipapaubaya niya ang desisyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Albayalde ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa November 8, 2019.