-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Unti-unti nang natutunaw ang snow na naipon sa mga kalsada at highways sa maraming mga lugar sa estado ng Texas matapos ang halos apat na araw na pananalasa ng winter storm.

Ayon kay Bombo International Correspondent Erna Gallagher, tubong Malinao, Aklan at kasaluluyang naninirahan sa Dallas, Texas na nagpapakita na ang araw at ang temperatura ay tumataas na.

Sa kabila nito, nagbabala aniya ang National Weather Service sa pagkahulog ng mga matutulis na tipak ng yelo at lubak-lubak na daan dahil sa tinatawag na cobblestone ice sa susunod na mga araw na delikado sa mga bumibiyahe.

Grabeng lamig pa rin aniya ang kanilang nararanasan, kung saan ang kanilang pagkain at inuming tubig ay nilalagay sa ilalim ng portable heater upang hindi mag-yelo.

Nagkakaubusan na rin umano ng mga paninda sa mga grocery stores dahil sa limitadong oras ng operasyon dahil sa ipinapatupad na rolling blackouts.

Sa kabilang dako, kanselado rin ang nagpapatuloy na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) mass vaccination events sa buong Texas dahil sa sobrang lamig ng panahon at pagka-delay sa pagbiyahe ng mga bakuna.