Umabot sa halos 13,000 katao ang apektado ng mga pag-baha sa Bulacan sanhi ng malalakas na pag-ulan dulot ng southwest monsoon at low pressure area, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Habang sa Zamboanga City apektado rin ang mga residente kung saan sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao na 2,500 indibidwal (641 pamilya) ang inilikas kasabay ang nasa 49 indibidwal (10 pamilya) sa Bulacan dahil sa masamang panahon.
Dahil dito naglabas na ang DSWD ng P549,000 halaga ng food at non-food assistance bilang paunang tulong sa mga apektadong residente kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking sapat ang ayuda sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad upang mapanatag ang loob ng mga mamamayan.
Samantala, mahigit P185 million na humanitarian aid na ang nailabas ng DSWD para sa mga apektado ng pagputok ng Mt. Kanlaon sa Negros Oriental at Occidental. Kabilang dito ang emergency cash transfers, bukod pa sa food at non-food relief.
Aabot sa 92,000 indibidwal mula sa 30 barangay sa Regions 6 at 7 ang apektado ng pagsabog.
Kasalukuyan namang nasa 2,400 pamilya o 7,800 katao pa rin ang nananatili sa evacuation centers.