Itinabla ng Oklahoma City Thunder ang serye laban sa Indiana Pacers sa 2-2, matapos gumawa ng 4th-quarter scoring run sa Game 4, 111-104.
Muling pinangunahan ni Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander ang kaniyang koponan at nagbuhos ng 35 points habang 27 points naman ang ambag ng small forward na si Jalen Williams.
Sa bench ng Thunder, nagpakitang-gilas ang batikang reserve na si Alex Caruso at nagbuhos ng 20 points sa loob ng 20 mins na paglalaro.
Hindi naisalba ng dalawang all-around player ng Pacers na sina Tyrese Haliburton at Pascal Siakam ang kanilang koponan sa kabila ng magandang performance sa unang tatlong quarter.
Nagawa kasi ng Indiana na panatilihin ang lead sa 1st hanggang 3rd quarter kung saan naiposte nito ang 7-point lead sa pagtatapos ng ikatlong quarter.
Gayonpaman, bumawi ang Thunder sa huling quarter at gumawa ng 31-17 run sa kabuuan ng 12 mins sa pangunguna ni Shai, daan upang iposte ang 7-point deficit sa pagtatapos ng Game 4.
Bagaman naging gitgitan ang laban sa pagitan ng dalawang koponan, magkaiba ang naging scoring strength ng mga ito. Binantayan ng Pacers ang 3-point line at ipinasok ang 11 3-pointers sa kabuuan ng laban habang tatlo lamang ang naging kasagutan ng Thunder.
Sa kabilang banda, binantayan naman ng OKC ang paint area at nagawang magpasok ng 54 points sa ilalim nito habang tanging 36 lamang ang sagot ng Pacers.
Muling sumentro ang opensa ng Pacers sa shot assist, habang naging malaking bentahe naman ng Thunder ang free throw area. Gumawa ang OKC ng 34 free throws mula sa 38 attempts habang tanging 25 ang naipasok ng Pacers mula sa 33 attempts.
Gaganapin ang Game 5 sa pagitan sa homecourt ng Thunder sa Oklahoma City.