-- Advertisements --

Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pamahalaan na huwag ituloy ang planong pagbabawas ng taripa sa imported na baboy, manok, at mais dahil sa epekto umano nito sa lokal na sektor ng agrikultura.

Ayon sa SINAG, ang anumang pagbawas sa taripa ay maaaring makasama sa mga lokal na magsasaka at magpapataas pa ng pagdepende ng bansa sa imported na pagkain.

Babala pa nila, maaari itong magdulot ng mas mataas na presyo at mas malalang food insecurity sa halip na makatulong sa merkado.

Ipinunto rin ng grupo na kahit dumami ang importasyon ng karne, hindi pa rin ito awtomatikong nagpapababa ng presyo sa lokal na merkado.

Dagdag pa ng SINAG, malaki ang itinaas ng importasyon ng baboy at manok sa mga nakalipas na taon, ngunit nananatiling mataas ang retail prices kumpara sa farmgate prices.

Samantala, naunang nanawagan ang Foundation for Economic Freedom (FEF) na bawasan ng 5% ang taripa sa imported na mais upang mapababa umano ang presyo ng karne, dahil malaking bahagi ng pagkain ng hayop ay mula sa mais.

Ayon pa sa FEF, ang mataas na taripa sa mais ay nakaaapekto sa presyo ng baboy at manok dahil umaabot sa 50% hanggang 70% ang gastos ng pagkain para sa baboy at manok.

Kasabay nito, inaasahan naman ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo matapos ang ilang linggong pagtaas dulot ng digmaan sa Middle East.

Gayunpaman, ayon sa Department of Energy, inaasahang magkakaroon ng rollback sa presyo ng gasolina at diesel sa darating na linggo, kung saan tinatayang bababa ang presyo ng diesel, gasolina, at kerosene batay sa galaw ng international oil market.