-- Advertisements --

Mariing kinuwestyon ni Senator Imee R. Marcos ang Executive Order No. 116 na nagpalawak sa importasyon ng baboy sa bansa sa pamamagitan ng pagtaas ng Minimum Access Volume (MAV) mula 54,210 metric tons patungong 204,210 metric tons, o halos apat na beses na mas mataas.

Ayon sa pamahalaan, layunin ng hakbang na mapunan umano ang suplay ng baboy at mapababa ang presyo nito sa merkado sa gitna ng inflation.

Ngunit giit ng senadora, hindi raw sapat ang batayan ng naturang polisiya.

“Kalokohan ang basehan ng EO 116. Mismong PSA na ang nagsabi, bigas, mais, isda, at gulay ang pangunahing sanhi ng inflation at hindi baboy,” ani Marcos.

Ipinunto rin niya na hindi umano kakulangan sa suplay ang problema sa lokal na industriya ng baboy, kundi ang epekto ng malawakang importasyon.

Ayon kay Marcos, umabot umano sa 891 milyong kilo ng imported pork ang pumasok sa bansa noong 2025, habang halos 300 milyong kilo na ang naangkat sa unang apat na buwan ng 2026.

Dagdag pa niya, bumaba rin umano ang farmgate price ng lokal na baboy mula ₱170 kada kilo noong nakaraang taon tungo sa ₱165 kada kilo ngayong taon, na aniya ay epekto ng pagdagsa ng imported na produkto sa merkado.

Binanggit din ni Marcos ang datos mula sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na nagpapakitang bahagyang bumaba lamang ang lokal na produksyon mula 1.411 milyong metric tons noong 2024 tungo sa 1.377 milyong metric tons noong 2025, o katumbas ng humigit-kumulang 34,000 metric tons na pagbaba.

“Hindi naman gumuho ang lokal na produksyon para bigyang-katwiran ang ganitong kalaking importasyon,” giit niya.

Sa huli, nanawagan si Marcos sa pamahalaan na bawiin ang EO 116 at ituon ang atensyon sa pagpapalakas ng lokal na industriya ng baboy sa pamamagitan ng repopulation program, biosecurity laban sa ASF, at mas malawak na suporta gaya ng pautang, insurance, at direktang ayuda sa hog raisers.

“Kapag tuluyang bumagsak ang lokal na industriya, lalo tayong aasa sa imported. Delikado ‘yan sa food security at kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino,” babala ni Marcos.