Itinanggi ng ilang lider ng Kamara de Representantes ang alegasyon ni Senadora Imee Marcos na may mga mambabatas na nagsusulong ng constituent assembly (Con Ass) para amyendahan ang 1987 Constitution at palawigin ang termino ng mga halal na opisyal.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, nakatuon ang Kamara sa mga tungkuling lehislatibo at wala silang komento sa aniya’y mga haka-hakang pulitikal.
Sinabi naman ni House Deputy Speaker Janette Garin na walang napag-usapan sa kanilang mga pagpupulong tungkol sa no-election scenario o term extension.
Itinanggi rin niyang ginamit ito bilang kapalit ng suporta sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang sa kanyang privilege speech sa Senado, sinabi ni Marcos na mayroon umanong hakbang para sa charter change, pagpapalawig ng termino ng mga opisyal hanggang 2031, at kanselasyon ng 2028 presidential elections.
















