CAUAYAN CITY- Mahigpit na susundin ng simbahang katolika ang mga panuntunan ng Inter Agency Task Force (IATF) sa panahon ng kuwaresma.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo CauayanI kay Father Vener Ceperez, Social Communications Director ng Diocese of Ilagan at Parish Priest ng St. Anthony de Padua Parish Church, sinabi niya na sa araw ng palaspas ay magkakaroon ng pagbabasbas ang mga parokya.
Gayunman ay depende ito sa mga parokya dahil makikipag-ugnayan muna ang mga kura paroko sa lokal na pamahalaan kung ano ang kanilang panuntunan.
Magkakaroon din ng isang misa sa parokya o di kaya ay dadalaw ang pari sa mga barangay upang doon ganapin ang pagbabasbas sa mga palaspas.
Pagdating naman sa prusisyon at sa Biyernes Santo ay titignan din kung ito ay naaayon sa panuntunan ng IATF para hindi ang mga aktibidad na ito ang maging sanhi ng pagdami ng kaso ng COVID-19.
Sa March 30, 2021 ay isasagawa ang Chrism Mass sa Cathedral pero ang papayagan lamang na kasama ng pari ay sampo na mga parokyano.
Ayon kay Father Ceperez, sa Biyernes santo ay mapapakinggan muli ang 7 last words sa Bombo Radyo at 7 pari ang magbibigay ng pagpapaliwanag at pagninilay sa huling 7 salita ng Panginoon.
















