Bigo ang Pinoy boxing champion na si Nonito Donaire na makaganti kaugnay sa rematch kontra sa Japanese superstar at undefeated na si Naoya Inoue para sa unified bantamweight title.
Ito ay makaraang bumagsak sya sa ikalawang beses sa second round nang tamaan ni Inoue gamit ang left hook. Itinigil ng referee ang laban sa oras na 1:24 sa harapan na ginanap sa Saitama Super Arena sa Saitama, Japan
Halatang groge pa si Donaire sa second round makaraang una siyang ma-knockdown bago magtapos ang first round nang tamaan din ng kaliwang suntok ng Hapon.
Bago ito sa pagsisimula pa lang ng unang round ay agresibo kaagad sa pagsugod ang Pinoy pero sa huli nakabawi si Inoue gamit ang pamatay na kaliwang suntok.
Marami ang nag-abang sa naturang laban bunsod kasi nang pangako ng The Filipino Flash na patutumbahin niya sa unang pagkakataon ang kampeon na si Inoue para pag-isahin ang tatlong korona.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa ama ni Donaire na si Nonito Sr. sinabi nito na may nakita raw silang kulang sa laban noong una.
Aniya, sinabihan daw niya ang anak na magkaroon ng follow-up punches at kumbinasyon kung sakaling magpapakawala siya ng suntok.
Si Nonito Sr. ay dating trainer ni Donaire Jr. at ngayon ang misis na si Rachel na ang nasa ringside bilang kanyang trainer.
Ang showdown ng magkaribal ay nakitaan ng umaatikabong bakbakan noong taong 2019 kung saan nauwi sa Fight of the Year ang kanilang giyera sa itaas ng ring na umabot sa 12 rounds.
Makalipas ang tatlong taon, meron ng record na 42 wins, 7 losses at 28 via knockouts si Donaire, habang ang Japanese star ay lalo pang namayagpag ang career na meron ng 23 wins, walang talo at 20 ang via knockouts.
Hawak ni Inoue ang Ring Magazine/IBF bantamweight crown (since 2019, 5 defenses) at WBA bantamweight title (since 2019, 4 defenses).
Habang si Nonito ay taglay naman ang WBC bantamweight belt (since 2021, 2 defenses) na siyang naagaw ngayon ni Inoue.
Nasa 10 taon ang agwat ng kanilang edad, habang mag-40-anyos na si Donaire ngayong taon.
Muli namang pinatunayan ng Japanese champ na sya pa rin ang hari sa 118 dibisyon at isa sa world’s best pound-for-pound fighter.
Samantala, target ngayon ni Inoue na isunod sa kanyang koleksiyon ang WBC crown na hawak naman ni Paul Butler ng England.
Kapag nangyari ito siya ang magiging unang unified champion sa 118 pounds sa panahon ng 4-belt era.