Iimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang reklamong harassment ng mga high school students at alumni ng Miriam College laban sa kanilang mga guro.
Ito ay matapos na maging usap-usapan sa Twitter ang #MCHSDoBetter nang ipahayag ng mga estudyante at alumni ng Miriam College High School, isang all-girls educational institution sa Quezon City, ang kanilang mga karanasan hinggil sa umano’y harassment at emotional manipulation mula sa kanilang mga guro.
Sa isang panayam, sinabi ni Education Undersecretary Tonisito Umali na titiyakin nila na mag-convene ang Child Protection Committee ng Miriam College High School patungkol sa usapin na ito at para na rin sa imbestigasyon na gagawin ng DepEd.
Sinabi ni Umali na maging sa ibang mga paaralan ay mga ganito ring reklamo at tiniyak na hindi nila papalampasin ang mga insidenteng ito.
Noong Biyernes, sinabi ng Miriam College na bumuo na sila ng independent committee na sisilip sa napaulat na sexual harassment ng mga guro sa kanilang mga estudyante.
“We encourage all aggrieved to speak out and voice their concerns to the Committee. Rest assured that all parties involved will be afforded due process through an impartial and objective proceeding,” saad ng paaralan.
Samantala, nagsabi na rin ang Ateneo de Manila University na sisilipin din nila ang napaulat na sexual harassment incidents na ginawa ng kanilang faculty members sa kaniang mga mag-aaral.
















