-- Advertisements --

Patuloy pa ring pinaghahanap ang apat na katao, matapos mahulog ang sinasakyang SUV ng mga ito matapos magcollapse ang tulay sa Agana River sa kabila ng kasagsagan ng malalakas na pag-ulan noong Sabado ng gabi, August 29.

Habang ang isa naman na nailigtas ng mga awtoridad ay agad na dinala sa Tarlac Provincial Hospital para sa medical assessment.

Agad namang na-identify ng mga awtoridad ang mga edad ng apat pang pinahahanap , isang 26 anyos, 30 anyos, habang ang dalawa naman ay 35 anyos.

Matatandaang bumagsak ang tulay bandang 8:32 ng gabi nitong Sabado, August 29, sa kasagsagan ng malalakas at walang tigil na ulan dulot ng Southwest monsoon o Habagat.

Ayon sa Philippine Air Force, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operations ng Tactical Operations Wing Northern Luzon at Tactical Operations Group sa paghahanap ng apat pang nawawala.

Kasama rin nila ang grupo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, 3rd Mechanized Infantry Battalion 522nd Engineer Construction Battalion at ang 7th- Military Operations Battalion.