-- Advertisements --

Nakatakdang taasan ang singil sa service charge sa eroplano.

Ito ay base sa memorandum na inisyu ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) bago ang inaasahang pagtaas ng travel demand dahil sa summer season.

Sa memorandum circular na nilagdaan noong Abril 4, inihayag ng CAAP na ang passenger service charge (PSC) para sa international flights ay itataas sa P900 mula sa kasalukuyang P550.

Para sa domestic flights, ang mga pasahero ay kailangang magbayad ng P350 kapag bibiyahe mula sa international airports, P300 para sa principal class 1 airports, P200 para sa principal class 2 airports at P100 para sa community airports.

Sa kasalukuyan ang passenger service charge para sa domestic flights ay nasa P200.

Nakasaad sa circular na sinumang pasaherong tumanggi o mabigong magbayad ng kailangang passenger service charge ay dapat na mapigilang makasakay sa eroplano.

Lahat ng mga pasahero ay kailangang magbayad maliban sa mga batang may edad na mababa sa 2 taong gulang, transit passengers, OFWs na nagtutungo abroad at mga pasahero na hindi pinapasok.

Nakatakdang maging epektibo ang naturang memo 15 araw matapos itong mailathala sa 2 pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.