Buhay pa rin ang kampanya ng tennis legend na si Serena Williams sa nagpapatuloy na US Open matapos na masilat ang world’s No. 2 na si Anett Kontaveit ng Estonia sa score na 7-6 (7-4), 2-6, 6-2.
Muling bumuhos ang mga tennis fans sa Arthur Ashe Stadium upang mamangha sa posibleng huling mga games ng isa sa tinaguriang greatest player of all time.
Una nang napaulat na kung sakaling matalo sana si Williams ay tuloy na ang pagreretiro nito sa kanyang professional career.
Bago ito tinalo rin ni Williams, 40, nitong nakalipas na Lunes ang world’s number 80 na si Danka Kovinic.
“You know this is what I do best,” ani Williams matapos ang ikalawang panalo. “I love a challenge and love rising to the challenge. I haven’t played many matches but I’ve been practicing really well and my last few matches it just wasn’t coming together.”
Samantala, sunod na makakalaban ni William sa third-round match ay ang pambato ng Australia na si Ajla Tomljanovic, ang world’s 46th-ranked player.
Pero bago rin ‘yan maglalaro muna siya ng doubles match at ka-tandem ang kanyang kapatid na si Venus Williams.