-- Advertisements --

CEBU CITY -Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok ng mga senior citizen at menor de edad sa loob ng Basilica Minore del Sto. Niño nitong lungsod ng Cebu.

Hinihintay pa umano ng pamunuan sa simbahan na maglabas ng executive order si Cebu City Mayor Edgardo Labella kung may pagbababago sa ipinapatupad na guidelines sa ilalim ng modified general community quarantine.

Maalalang ibinaba ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 ang age restriction sa mga pinapayagang makakalabas ng bahay kahit pa man isinailalim sa quarantine restrictions ang kanilang lugar.

Batay sa IATF Resolution No. 79 na ipinalabas noong nakaraang linggo, maaari ng makalabas ang mga may edad 15 hanggang 65 anyos sa isang kondisyon na hindi ito nagdadalang-tao o walang iniindang sakit.

Hindi naman umano ito nangangahulugan na dahil nagmula ang nasabing resolusyon sa IATF ay sundin na ito sapagkat nasa LGU o mayor naman umano ang pasya kung susundin ito o hindi.