-- Advertisements --

May nasilip nang pagkukunan ng pondo ang ilang senador upang magamit sa supplemental fund ng gobyerno para sa inisyatibo upang labanan ang coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Sen. Richard Gordon sa panayam ng Bombo Radyo, isa sa nakikita nilang source ay ang hindi nagamit na budget noong nakaraang taon para sa conditional cash transfer (CCT) na aabot sa P36 billion.

Higit na malaki ito kumpara sa sinasabing available fund ng Department of Budget and Management (DBM).

Mismong si Sen. Panfilo Lacson aniya ang katulong sa paghimay ng pondo kaya tiwala siyang hindi ito maaabuso.

Tiniyak naman ni Gordon na tatalima ang mga senador sa social distancing sa kanilang special session bukas.

Bawal daw muna ang kamayan, pero pwede namang kumaway sa mga kapwa mambabatas.

Base sa Senate rules, hindi maaaring mabilang ang boto ng isang miyembro kung wala ito sa plenaryo.

“Wala namang problema. Dadalo naman kami, basta kailangan lang i-observe ang social distancing,” wika ni Gordon.

Pero hindi na raw muna nila inaasahan ang pagdating ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na una nang nagpositibo sa COVID-19.

Ang iba pang senador ay nasa self quarantine, habang ang ilan ay nag negatibo na sa mga nakaraang release ng resulta.