-- Advertisements --

Nagpalabas ng magkasalungat na legal na pananaw ang mga eksperto sa batas kaugnay ng inilabas na warrant of arrest ng Quezon City Regional Trial Court laban kay Vice President Sara Duterte ukol sa kasong grave threats.

Pinalagagan ni Atty. Rameses Victorius Gatchalian Villagonzalo, isang ICC accredited lawyer, ang warrant at sinabing ito ay premature, labag sa Konstitusyon, at ilegal sapagkat bilang isang impeachable officer, sa pamamagitan lamang ng impeachment trial maaaring matanggal o direktang maapura ang posisyon ng Bise Presidente.

Ipinaliwanag ni Villagonzalo na may karapatan ang Bise Presidente na tumanggi sa pag-aresto dahil sa kaniyang katayuan, bagamat maaari rin siyang sumama nang may paggalang upang maiwasan ang gulo, habang may buong karapatan din siyang maghain ng counter-charges laban sa prosecuting officer at sa partidong huwes na nagpalabas ng utos.

Sa kabilang banda, iginiit naman ni Atty. Dominador Lagare na may matibay na legal na basehan ang kaso sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code o Grave Threats, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951.

Ayon kay Lagare, hindi basta maaaring ituring na hypothetical o biro lamang ang banta sa buhay—partikular na sa mga pahayag ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez—lalo na kung titingnan ang kapasidad ng nagpahayag na maisagawa ito.

Binigyang-diin pa ni Lagare na ang pagpapalabas ng warrant ay nagsisilbing paalala na walang sinuman sa bansa, maging ang mga pinakamataas na opisyal ng pamahalaan, ang nakatataas sa batas at sa proseso ng hustisya.