-- Advertisements --

Patuloy na gagamppanan ni Vice President Sara Duterte ang kanyang mga opisyal na tungkulin sa pamahalaan habang ang kanyang legal team muna ang dumadalo at kumakatawan sa kanya sa impeachment trial.

Ayon kay Defense Deputy Spokesperson Atty. Justin Nicol Gular, buong pagtitiwalang ipinagkaloob ng Bise Presidente sa kanyang mga abogado ang responsibilidad sa pagdalo sa mga paglilitis upang hindi maantala ang kanyang paglilingkod at serbisyo sa publiko.

Paliwanag ni Gular, mahirap para kay Duterte na manatili sa impeachment court sa lahat ng pagkakataon dahil marami rin siyang dapat asikasuhin bilang pangalawang pangulo ng bansa.

Binigyang-diin din ng tagapagsalita na hindi obligado ang Bise Presidente na personal na humarap sa bawat hearing, sapagkat pinapayagan sa ilalim ng rules ng impeachment na kumatawan lamang ang kanyang mga legal counsel. Gayunman, tiniyak ng depensa na personal na dadalo si Duterte kung kinakailangan at hihilingin ang kanyang presensya sa proceedings.

Samantala, habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso para sa impeachment, nakita ang Bise Presidente sa Peñafrancia Basilica Minore sa Naga City noong Setyembre 1. Dumalo si Duterte sa isang banal na misa bilang pakikiisa sa pagsisimula ng taunang Peñafrancia Festivities sa Bicol.