Tiniyak ni Senate committee of the whole chairman, Senate President Vicente “Tito” Sotto III na agad silang maglalabas ng mga rekomendasyon, matapos ang ilang araw na pagdinig ukol sa COVID vaccine procurement.
Ayon kay Sotto, hindi kailanman naging intensyon ng Senado na makadagdag sa delay ng pagbili ng bakuna, sa halip ay makatulong na mabigyan ng impormasyon ang publiko ukol sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan.
Magiging laman ng committee report ang ilang isyu na makakatulong mismo sa pamahalaan para maalis ang duda ukol sa vaccination program.
Nagpasalamat naman ang lider ng Senado sa mga opisyal na walang pagod na sumagot sa kanilang mga katanungan.
Nauunawaan din daw ng kapulungan ang pag-aalangan ni vaccine czar Sec. carlito Galvez Jr. na maisapubliko ang presyuhan ng bakuna, ngunit matimbang din naman ang isyu ng transparency.