Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na itinuturing nilang “person of interest” si Senador Robin Padilla kaugnay sa pagkawala at kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos itong umalis sa Senado noong madaling araw ng Huwebes.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, si Padilla umano ang huling nakitang kasama ni Dela Rosa bago ito tuluyang mawala sa loob ng Senate premises.
Dagdag pa niya, awtomatikong kabilang si Padilla sa mga dapat tanungin upang malinawan ang lokasyon ng senador.
Umalis si Dela Rosa sa Senado ilang oras matapos ang tensyon at naiulat na putukan sa loob ng gusali noong Miyerkules ng gabi, habang siya ay nasa ilalim ng “protective custody” ng Senado kaugnay ng warrant mula sa International Criminal Court dahil sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sinabi rin ni Matibag na may hinala ang ilang ahente ng NBI na posibleng ginawang “diversion” ang nangyaring putukan upang makatakas si Dela Rosa.
Ayon pa sa opisyal, maging ang asawa ng senador ay nagsabing sinamantala nito ang kaguluhan upang makaalis ng Senado.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang NBI sa Department of Justice habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at sa posibleng kinaroroonan ni Dela Rosa.
















