-- Advertisements --

Inamin ni Senador Robinhood Padilla na isinakay lamang niya si Senador Ronald dela Rosa palabas ng Senado at ibinaba sa may Makati City, subalit wala siyang ideya kung saan nagtungo ang senador.

Ginawa ni Padilla ang paglilinaw kasunod ng mga akusasyong tinulungan niya si dela Rosa na makatakas palabas ng Senado, bagay na itinanggi ng senador at iginiit na walang aktibong arrest warrant mula sa lokal na korte ng bansa.

Sinabi rin ni Senador Padilla na ipinaalam niya kay Sen. dela Rosa na kailangan niyang umuwi sa kanilang bahay madaling araw noong Mayo 14 dahil hinahanap na siya ng kaniyang maybahay, mga anim na oras matapos naganap ang pamamaril sa loob ng Senado noong nakalipas na linggo.

Paliwanag pa ni Padilla, hindi niya matanggihan ang senador dahil wala naman umanong sasakyan si Sen. dela Rosa dahil ibinaba lamang siya sa Senado ng sasakyan ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Padilla, bumaba si dela Rosa sa Makati City kung saan siya sumakay na sa kaniyang sariling sasakyan.

Tugma naman ang pahayag ni Padilla sa CCTV footage mula sa Senado na nagpapakita ng paglabas ng dalawa mula sa compound ng Senado alas-2:30 ng madaling araw noong Mayo 14.

Kinumpirma rin ito sa ulat ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nakitang patungo ang puting sasakyan ni Padilla sa Makati City.

Iginiit din ni Padilla na hindi sila tumakas dahil walang pumigil sa kanilang umalis. Aniya, maraming pulis sa loob at labas ng Senado at mayroong CCTV cameras subalit wala aniyang pumigil sa kanilang umalis ng premises ng Senado.