Nagnegatibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

Ito’y isang araw matapos pakiusapan ng barangay council ng Barangay Dasmariñas sa Makati City ang senador na manatili muna sa kanyang bahay.

Sa pahayag ni Pacquiao, nilinaw nito na nag-self isolate na ito matapos ang isinagawang special session ng Senado noong Lunes.

Gumamit din aniya ito ng rapid testing kits na ibinigay ng kanyang mga kaibigan mula South Korea upang malaman kung ano ang kanyang status.

Bagama’t hindi pa raw aprubado ng Food and Drug Administration ang nasabing testing kits, ito na raw ang ginagamit sa South Korea.

Inihayag naman ni Pacquiao na bukas itong sumailalim sa swab testing sakaling maranas ito ng sintomas ng sakit.

Samantala, sinabi ni Pacquiao na asahan umano ang pagdating ng karagdagang mga test kits at medical equipment upang magamit ng mga health workers sa bansa.