-- Advertisements --

Umaasa si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo Lacson na papasa na sa Senado ang Independent People’s Commission bill sa susunod na linggo.

Ang naturang panukalang batas ang nakikitang magpapalakas sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na binuo sa pamamagitan ng isang executive order para imbestigahan ang mga anomalyang bumabalot sa mga public infrastructure project sa nakalipas na sampung taon.

Ayon kay Lacson, batid ng Senado ang mga hamon na kinakaharap ng naturang komisyon mula noong ito ay binuo.

Sa kasalukuyan, wala aniyang miyembro ng Senado na tumatanggi o kumukuwestyon sa naturang panukala at lahat ng mga Senador ay nagpahayag ng kanilang pagsuporta para sa itatayong bagong komisyon.

Binigyang-diin ng batikang Senador ang pangangailangang mabigyan ang ICI ng independence at immunity mula sa anumang impluwensiya at political issue upang makapagtrabahong mag-isa.

Umaasa ang Senador na susunod din ang Kamara de Representantes sa magiging hakbang ng Senado o kung hindi man ay mas mauunang ipasa ang House version.

Sa kasalukuyan, ang isa sa mga inaaral na lamang ng mataas na kapulungan ay ang pagbibigay ng contempt power sa bubuuing komisyon, bilang dagdag sa kasalukuyang kapangyarihan na naibigay sa ICI noong ito ay itinatag.

Ani Lacson, walang silbi na mabigyan ng subpoena powers ang ICI kung wala itong kapangyarihan na magpataw ng contempt sa sinumang iimbitahang resource person.

Binigyang-diin ng Senador ang pangangailangang magkaroon ng isang independent body na mag-iimbestiga, maghahain ng kaso, at maghahabol sa mga ninanakaw na pondo ng gobiyerno mula sa mga pampublikong proyekto.