-- Advertisements --

Sinabi ng International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel na si Atty. Kristina Conti na mas mainam kung boluntaryong susuko si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at kikilalanin ang hurisdiksiyon ng ICC.

Lumabas ang pahayag matapos ang ulat na naglabas na ng warrant of arrest ang ICC laban kay Dela Rosa kaugnay ng kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte.

Nilinaw nito na kung maaresto ang mambabatas, ang proseso ay surrender at hindi extradition dahil ang ICC ay isang international na hukuman at hindi isang soberanong estado.

Paliwanag ni Conti, ang extradition ay naaangkop lamang sa mga foreign warrant of arrest na dumadaan sa lokal na korte, samantalang ang surrender ay anyo ng kooperasyon sa ICC para sa mga miyembro at hindi miyembrong bansa.

Binigyang-diin din pa nitong hindi dapat protektahan ng Senado si Dela Rosa lalo’t wala pa itong isinusumiteng tugon sa mabibigat na paratang.

Ang panawagan ay nakatuon sa pagtitiyak na ang Senado ay hindi magiging kanlungan ng mga may criminal charges.