-- Advertisements --

Sinuportahan ni Senador Bam Aquino ang matagal nang panawagan ni Sen. Alan Peter Cayetano laban sa child stunting o pagkabansot, na aniya’y ugat ng krisis sa edukasyon.

Sa kaniyang sponsorship speech para sa Expanded National Nutrition Program Act, binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng tamang nutrisyon sa unang yugto ng buhay ng bata.

Layunin ng panukala na tugunan ang malnutrition sa pamamagitan ng feeding programs, universal health record, at direktang pagbili ng gulay at isda mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.

Giit ni Cayetano, panghabambuhay ang epekto ng stunting sa utak, resistensya, at productivity ng bata.

Ayon sa datos, 26.7% ng mga batang Pilipino na wala pang limang taon ay stunted, o isa sa bawat apat na kabataan.

Matapos ang talakayan, muling sinuspinde ang deliberasyon sa panukala hanggang sa susunod na sesyon ng Senado.