Layon ni Senador Paolo “Bam” Aquino IV na amyendahan ang umiiral na Anti-Drunk and Drugged Driving Act, kalakip ang Senate Bill No. 2068 matapos ang ulat ng 255% na pagtaas ng mga kaso ng drunk driving sa bansa kumpara noong nakaraang taon.
Binanggit ng senador ang kaso ni Kingston Ralph Ko Cheng, isang 23-anyos na biktima ng hit-and-run sa Cebu City noong Pebrero 8, 2026, na sinasabing kinasangkutan ng isang 21-anyos na suspek.
Ayon sa pamilya ng biktima, nahihirapan silang makamit ang hustisya dahil sa umano’y delay sa alcohol testing, na nagdudulot ng pagkawala ng ebidensya.
Sa ilalim ng panukala, babaan ang blood alcohol concentration (BAC) limits sa 0.02% para sa mga novice at professional drivers at 0.03% naman para sa mga pribadong motorista.
Itatakda rin ang “implied consent,” kung saan ang pagkakaroon ng lisensya ay nangangahulugang pagsang-ayon sa alcohol at drug testing kapag kinakailangan ng batas.
Iminumungkahi rin ang mandatory na chemical testing sa loob ng dalawang oras matapos ang insidente, pati na ang paggamit ng retrograde extrapolation upang matantiya ang antas ng alkohol sa oras ng pagmamaneho kahit delayed ang test.
Bukod sa mas mahigpit na enforcement, bahagi rin ng panukala ang rehabilitasyon gaya ng pagdalo sa alcohol safety programs at pag-install ng ignition interlock devices para sa mga paulit-ulit na lumalabag sa batas.















