-- Advertisements --

Pinuna ni Senador Bam Aquino ang Malakanyang kung bakit patuloy umano ang pag-delay sa panukalang batas na layon sanang mabantayan ang pondo ng bayan.

Kasabay ng mga pagbaha sa kalakhang Maynila, kinuwestyon niya ang pagkaantala sapagkat makatutulong daw ito upang maiwasan maulit ang flood control scandal.

Nakakabahala aniya na nawala sa listahan ng prayoridad ng Palasyo ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill.

Mula raw sa pangatlo noong 2025, ang naturang panukala ay nasa ika-41 na lamang ngayon na prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Kung saan hindi tinanggap ng senador ang paliwanag ng Department of Economy, Planning and Decvelopment na nagpasya ang Malacañang at liderato ng Kongreso na iklian ang listahan at unahin ang mga mahalagang panukalang batas na madaling maipasa sa loob ng 12 buwan.

“Alam ho natin lahat how powerful this bill can be. Napakarami na pong grupo ‘yung nagsabi na nais nilang makitang pasado ang batas na ito, from inside the government, outside the government. Nagtataka po ako, bakit parang hindi natin ‘to minamadali? Nung kasagsagan nung flood control scandal, we all agreed we would push for this, and push for full transparency,” ani Senador Bam Aquino.