(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Bagamat maliit na lang ang tiyansa subalit umaasa pa rin ang mga otoridad na matatagpuang buhay pa ang apat sa lima na missing matapos nabagsakan ng gumuhong lupa sa Sitio Mabuhay, Barangay San Luis, Malitbog, Bukidnon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Bukidnon Provincial Police Office spokesperson Maj Jiselle Longgakit na hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na matagpuan ng search and retrieval teams na nagsagawa ng recovery operation sa landslide area kung saan natabunan ang bahay na tinuluyan ng mga biktima.
Kinumpirma ni Longgakit na bangkay ng truck driver na si Jordan Vincent Achas ang narekober ng mga otoridad sa kasagsagan ng kanilang paghahanap sa lugar kahapon ng hapon.
Kabilang sa patuloy na pinaghahanap ay ang mag-asawang sina Lucrecio at Angelita Labronal na pansamantalang naninuluyan sa payloader operator na si Nerio Talines, drump truck driver Raffy Simpruta at Achas nang maabutan sila ng lupa na may kasamang mga bato.
Nitong araw ipinagpatuloy ang operasyon ng mga otoridad para mahanap ang apat na biktima sa landside site.
Bagamat hindi quarry site ang lugar subalit nakitaan ng ilang kaunting pagkabitak ang lokasyon kaya tuluyang bumigay dahil sa ilang araw na pagbuhos ng mga pag-ulan na epekto ng bagyong Neneng na nagdala rin ng mga pagbaha sa Northern Mindanao at Luzon provinces nitong linggo lamang.