Dumepensa si Chef Bruce Lim kaugnay ng mga ipinupukol na kabi-kabilang kritisismo ng publiko sa inihahanda nilang pagkain para sa foreign athletes na kasalukuyang nasa Pilipinas para sa 30th Southeast Asian Games.
Ayon sa itinalagang executive chef para sa nasabing palaro hindi naging madali ang kanilang paghahanda lalo na at karamihan sa mga bansa ay humiling na Halal food ang ihanda para sa kanila.
Sa isinagawang presscon ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC), ipinaliwanag ni Lim na kasali sa accreditation ng bawat atleta ang impormasyon ng kanilang diet, allergies, at kung anong mga pagkain ang bawal sa mga ito.
Aniya, mayroon ding foods and coordinator ang PHISGOC na pinamumunuan ni Alex Quiram upang mapanatiling Halal ang ihahain sa mga muslim athletes.
Ayon kasi kay National Commission on Muslim Filipinos External Affairs Director Jun Alonto Datu Ramos na hindi raw tinanggap ng PHISGOC ang kanilang alok na tulong na siguraduhin na hindi lalabag sa Islamic beliefs ang ihahain para sa foreign athletes.
Ang Halal ay isang proseso ng paghahanda ng pagkain sa malinis na paraan at naaayon sa batas Islamiko.
Sinisigurado rin ni Lim na bukod sa Halal ay ligtas ang mga pagkain ng mga atleta upang magbigay lakas sa mga ito para lumaban sa mga kompetisyon sa naturang 12 day sports meet.
Nais din umano nito na iparamdam ang maayos na pagtanggap ng Pilipinas sa mga foreign athletes, coaches at delegates.