Pinayagan na ng Korte Suprema ang manifestation ni Solicitor General Darlene Berberabe na katawanin ang mga opisyal ng gobyerno kaugnay sa mga nakabinbing petisyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa SC, pinahintulutan nito ang OSG na ipagpatuloy ang papel nito na magslbi bilang counsel ng mga respondent sa kaso kaugnay sa pag-aresto at pagdala sa dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Matatandaan na nauna ng tumanggi si dating SolGen Menardo Guevarra na katawanin ang mga opisyal ng gobyerno na nangasiwa sa pagsisilbi ng arrest warrant mula sa ICC sa dating Pangulo, dahil nanindigan si Guevarra na walang hurisdiksiyon ang ICC sa bansa.
Sa kampo ng nakababatang anak ng dating Pangulo na si Veronica Duterte, hindi aniya mahalaga kung sino ang kakatawan sa gobyerno sa kanilang mga petisyong nakabinbin sa Korte Suprema.
Binigyang diin naman ng abogado niya na si Atty. Salvador Panelo ang kanilang posisyon na iligal at labag sa batas ang pagdadala sa dating Pangulo sa ICC.
Aniya, hindi maaaring ikubli bilang international cooperation ang kataksilan gayundin hindi aniya maaaring maging optional lamang ang pagtalima sa Konstitusyon.
















