Nangako ang Korte Suprema na papaspasan nito ang pagresolba sa mga kaso ng malawakang korapsiyon sa gitna ng anomaliya sa flood control projects.
Ito ay matapos idulog ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang pondo ng hudikatura, ang aniya’y sentimiyento ng taumbayan na galit na galit sa mga nangyayaring anomaliya sa naturang mga proyekto at iba pang infrastructure projects.
Dito, tinanong ng mambabatas si Supreme Court Administrator Ma. Theresa Gomez-Estoesta kung kailangan na rin bang makialam ng hudikatura sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa kabila pa ng isinasagawang imbestigasyon ng dalawang sangay ng gobyerno sa gitna na rin ng panawagan para sa pananagutan.
Tugon naman ng SC Administrator na bagamat maaaring magpakita ang hudikatura ng concern, dapat aniya nitong panatilihin ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa pamamagitan ng paghatol nang makatarungan at iginiit na ang core value ng isang ethical judge ay maging independent.
Sa kasalukuyan, ang Blue Ribbon Committe ng Senado at Infrastructure Committee ng Kamara de Representantes at binuong Independent Commission for Infrastructure (ICI) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsasagawa ng mga imbestigasyon sa nadiskubreng mga anomaliya sa flood control projects ng gobyerno.